Topic: Suicide Letter [Nice Story] (Read 41059 times)

12-06-12 08:26 PM
_kevin_
Full Member
  • Posts: 313
  • Thanked: 27
  • Reputation: 1
hehe hintayin natin ang update para malaman, sana nga maging sila ni shan, yung tipong mabubuhay siya.

12-06-12 11:25 PM
kira21
Full Member
  • Posts: 4144
  • Thanked: 242
  • Reputation: 14
TS :shout:

nasaan na ang update inaantay na ng mga fans mo :lol:

12-07-12 12:37 AM
disconnect
Full Member
  • Posts: 1571
  • Thanked: 110
  • Reputation: 1
nice, pa-subscribe ts..

12-07-12 01:37 AM
mindfreak
Full Member
  • Posts: 3615
  • Thanked: 1610
  • Reputation: 16

Chapter 9: Narinig Ko 'Yun!


Bandang alas kwarto ng hapon nang matapos ang klase nina Jeth sa Workshop Theory. Diretso siyang umuwi ng apartment dahil hindi maganda ang pakiramdam niya sa mga oras na ito.

Bakas sa mukha niya ang kalungkutan. Naninibago din siya dahil sa araw na 'to hindi siya sinamhan ni Shan sa skwelahan. Madalas siya magpunta ng park tuwing uwian pero himala at pinagpaliban niya ito sa araw na ito. Ayon sa kanya, parang may kulang at hindi maganda sa araw niya ngayon at sa tingin niya may kinalaman nga ito kay Shan.

Binuksan niya ang gate at bumungad sa kanya si Shan na nasa may bakuran. Nakaupo siya sa bermuda grass na nasa tapat ng veranda habang naaliw niya ang kanyang sarili sa naggagandahang mga bulaklak na pag-aari ng landlady ng compound.

Napangiti ang binata ng sobra nang makita ang dalaga. Sa hindi niya alam na dahilan, napawi ang kanyang pag-aalala at biglang nagbago ang kanyang pakiramdam.

Hindi napansin ng dalaga ang pagpasok ng binata. Naglalaro ang kanyang isip sa mga sandaling ito. Simula kanina, wala na siyang ibang ginawa kundi ang maupo sa bermuda grass habang minamasdan ang mga bulaklak na sumasayaw sa tuwing umiihip ng malakas ang hangin. Minsan din kinakausap niya ang kanyang sarili na parang baliw. Pero sa isip niya, mas mabuti na ang ganito kumpara noong mga panahong nakakulong pa siya sa sarili niyang kwarto.

"Bakit ganon? Nalulungkot ako pero ayaw naman umulan. Ang sama ng panahon, ayaw makisama," narinig ng binata na sinabi ng dalaga.

Natawa ang binata sa kanyang isip matapos marinig ang sinabi ng dalaga. Hindi kasi niya inaasahan ang ganitong ugali kay Shan.

Pero kapansin-pansin ang kalungkutan sa mga mata ng dalaga. Marahil ay di pa ito nakakarecover sa mga nangyari nitong huling araw.

Dumaan ang binata sa likuran ng dalaga, "Ahem," sabi niya.

Nasa kalagitnaan ng pagmumuni si Shan kaya expected na ni Jeth na mabigla ito sa pagdating niya.

Napalingon si Shan sa likod niya, "Ay! Anak ng!?" sigaw ng dalaga.

"Anak ng ano!?" pasarcastic na sinabi ng binata.

"Anak ng tao," sagot ni Shan sabay ngisi nang makitang si Jeth pala ito.

Tumaas ang kilay ng binata. "Nang-aasar ka ba??"

"Bakit? Galit ka? Totoo namang anak ka ng tao ah?" sagot ng dalaga kaya lalo lang nainis ang binata sa kanya.

Hindi na pinatulan ni Jeth ang sinabi ni Shan sa halip ay pumasok nalang siya sa loob. Napabuntong hininga ang dalaga sa inasta ng binata. Malungkot niyang pinanuod na pumasok sa loob ng apartment ang binata.

"Bwisit, ba't dumating ka pa? Okey na ako kanina nung wala ka," padabog na sinabi ng dalaga.

Napaigtad ang siya nang biglang magbukas ang pintuan. "May sinasabi ka!?" tanong ng binata.

Hindi umimik ang dalaga kaya lalo lang naguluhan ang binata. Muli na siyang pumasok sa loob at nadatnan niya sa salas ang kasama niya sa apartment na si Jung. Isang middle aged na lalaki na nagtitrabaho sa isang small- time company. Pansamantala itong nangungupahan ngayon dahil ayon sa kanya hindi pa sapat ang kanyang pera para makapagtayo ng sariling bahay. Nagulat si Jeth nang tumitig ito sa kanya.

"Bakit?" tanong ni Jeth.

"Sinong kausap mo sa labas, pare?" tanong ni Jung.

Napakamot ng ulo si Jeth, "Yu- yung hardinero," pagsisinungaling ni Jeth at mabilis na dumaan sa harap ni Jung.

"Bwisit," bulong ng binata sa kanyang sarili pagkatapos ay pumasok na ng kwarto.

Dali-dali niyang kinuha ang kanyang laptop. Chineck ang kanyang e-mails at mga accounts niya sa lahat ng mga social networking sites.

Matagal na rin niyang hindi nakakausap ang kanyang amang di umano'y nasa labas ng bansa ngayon. Huli niya itong nakausap noong isang buwan bago pa ito nakapagpadala ng pera sa kanya. Ginawa niya ang lahat ng paraan para macontact ang kanyang ama pero nabigo siya dito. Sa huli, nalaman niyang hindi na pala active ang e-mail address na ginagamit ng kanyang ama ngayon.

Sumunod na ginawa niya ay tinype niya sa search box ng isang search engine ang pangalan ng kanyang ama ngunit wala naman siyang namataang kahina-hinala sa mga naglabasang results.

Nagbrowse siya ng ilan sa mga prominenteng news and information sites ng Pilipinas. Niclick niya sa may home page ang taong 2008 at napunta ito sa isang page kung saan nakalista ang mga nakalap nitong balita at impormasyon sa taong ito.

Niscan niya lahat ng laman nito. Wala siyang iniiwang salita na di nahahagip ng kanyang mata. Dahil sa curious talaga siya tungkol dito, inabot siya ng mahigit dalawang oras at ngayon hindi pa rin siya natatapos. Biruin mo, nagsimula siyang maghanap sa buwan ng Enero at ngayo'y nasa buwan na siya ng Agosto.

Tumagal pa ng kalahating oras bago siya natapos sa pagscan ng mga articles. Sa kabutihang palad, wala naman siyang nakitang article na may kaugnay sa siniwalat ng kapatid ni Shan tungkol sa kanyang ama.

Bumalik siya sa facebook. Tinype niya sa search box ang pangalang Aisha Villamonte. Pagkatapos busisihin ang profile nito, agad siyang nag-iwan ng isang message dito.

Ilang minuto ang lumipas, hindi pa nakuntento ang binata at nagpunta pa siya sa isa pang news site at don nagsimula ulit magkalkal ng mga articles.

Napatigil siya bigla sa ginagawa niya nang mapansing may kakaiba sa paligid. Nakiramdam muna siya at sa palagay niya'y si Shan ito.

Hindi nga siya nagkamali. Nakita niya si Shan na tumabi sa kanya kaya agad niyang sinarado ang laptop. Hindi niya nagustuhan ang ginawa ng dalaga kaya tiningnan niya ito ng masama.

Nagpacute ang dalaga sa binata kaya parang nanigas siya dahil dito. Hindi siya makapaniwala sa nakikita niya dahil kailan lang ay malungkot ito.

"Ay, ang daya. Anong ginagawa mo?" tanong ng dalaga.

"Wala ka nang paki,"

"Hala, nanunuod ka ng ano no? Ng alam mo na," pang-aasar ng dalaga sabay tawa.

Nagulat ang binata sa sinabi niya. Alam niyang nagbibiro lang ito pero sa isip niya ay parang sobra na yata at hindi na ito magandang birong.

Tiningnan niya ng maigi si Shan. Kumunot ang noo ng binata at lalo pang naningkit ang mga mata niya. Pero sa loob ng binata, masaya siya dahil nagagawa na ulit tumawa ng dalaga sa kabila ng di kaaya- ayang biro nito.

"Eto naman o, ang sungit-sungit. Siyempre biro lang," sabi ng dalaga sabay pacute.

Masama pa rin ang tingin ni Jeth kay Shan. Biglang niyang tinuro ang pintuan at alam na ng dalaga ang ibig sabihin nito. Napabuntong-hininga siya sabay na tumayo at padabog na lumabas ng kwarto.

Bumalik ang dalaga sa tapat ng veranda. Nagkulay kahel na ang langit dahil nagsisimula nang lumubog ang araw sa kanluran. Naupo ulit siya sa bermuda grass sabay hinga ng malalim.

Hindi nagtagal, tumama sa kinaroroonan niya ang sinag ng araw. Hindi man niya ramdam ang init nito pero di maitatangging nasisilaw siya sa sinag nito kaya lumipat siya sa kabilang bahagi ng bakuran. Pumwesto siya sa tapat ng orchidarium. Sa may gilid nito ang mga nakahanay na mga tulips. Napabuntong-hininga ulit siya habang iniimagine na hawak niya sa kamay niya ang mga ito. Lalo lang siyang nalungkot dahil namiss niya bigla ang buhay niya noon.

Tinapat niyang muli ang kamay niya sa mga petals nito. Pilit niyang pinapakiramdaman ang mga bulaklak pero wala namang nangyayari.

Nagulat nalang siya nang makitang may biglang pumitas ng tulips na kanina pa niya hinahaplos. Halos malaglag ang panga niya sa lupa nang makitang si Jeth ito. Tulala siyang nakatitig sa binata.

"Bakit? Di ba gusto mo 'to?" tanong ng binata habang hawak- hawak ang bulaklak sabay bigay ng matamis na ngiti na ikinabigla ng dalaga.

Natauhan ang dalaga at napahiya nang marealize na kanina pa siya nakatitig kay Jeth. Di niya maiwasang magtaka sa pinapakitang ugali ng binata dahil hindi naman ganito ang nakasanayan niya noon. Ibang- iba kasi ang hatid ng ngiti nito ngayon kumpara sa ngiti niya noon.

"Hala, bakit mo pinitas? Kawawa naman yung bulaklak," sabi ni Shan sa malungkot na boses.

Tumaas ang kilay ng binata. "Akala ko ba gusto mo nito?"

"E sira ka rin pala no? Sinabi ko ba yun? Tsaka mag-isip ka nga, anong silbi niyan kung di ko naman ito pwedeng hawakan? Sana naman nagkaroon ka man lang ng konting awa. Hinayaan mo nalang sanang mabuhay 'yan kasama yung ibang flowers dito. Kawawa tuloy yung tulip, para mo nang pinatay," pagdadrama ni Shan.

May punto si Shan pero napakamot ng ulo si Jeth dahil parang sobra naman yata ang pinapakita niyang simpatya sa kalikasan ngayon. Pero sa huli, naisipan niyang sakyan nalang ang pagdadrama ng dalaga.

"Pakiabot nalang ng sorry ko sa mga kasama niyang bulaklak," sabi ni Jeth.

"Wala na, pinatay mo na e," Tinaas ng binata ang dalawang kamay niya.

"Guilty na po madam. Tanggap ko na ang pagkakakulong ko,"

"Wag na, pardoned ka na," "Ha? Ang bilis naman ata?"

"Tama na. Mukha kasing nasisiraan ka na ng bait,"

Nilagay ni Jeth ang bulaklak sa likod na bulsa niya at naupo sa tabi ng dalaga.

Nanigas ang si Shan at sa mga sandaling ito di niya alam kung anong gagawin niya. Parati naman niyang nakakasama ang binata pero parang iba yata ang pakiramdam niya ngayon.

Nakita niyang kinuha ng binata ang bulaklak sa kanyang bulsa. Akala niya ay ibibigay ito ni Jeth sa kanya pero napahiya siya nang makitang nilagay lang pala niya ito sa likod ng kanyang tenga.

Natawa naman ng sobra ang dalaga dahil sa nakita niya, "O bakit?" tanong ng binata.

"Wala lang. Bawal na bang tumawa?" sumbat ng dalaga.

Lumipas ang ilang sandali, kalahati nalang sa araw ang nakikita nila. Sa madaling salita, malapit nang gumabi. Tahimik ang paligid, walang ibang maririnig kundi huni ng mga ibon. Hindi nagtagal, binasag ng binata ang katahimikan.

Nagkatinginan silang dalawa, "Shan, ano bang gusto mo sa isang lalaki?" sabi ni Jeth sa malumanay at seryosong boses.

Nabigla ang dalaga sa tanong ng binata kaya di agad siya nakasagot. "Ba-bakit mo natanong?" tanong ni Shan na may pagtataka pa rin.

Lumungkot bigla ang dalaga nang maalala niya si Tori at may kinalaman sa kanya ang tanong na ito ni Jeth. Pero di niya ito pinahalata sa kausap niya.

"Tama bang sagutin ng tanong ang tanong ko?" pasarcastic na tinanong ng binata. Nalilito tuloy ang dalaga kung seryoso ba ang binata o hindi sa una niyang tanong.

"Bakit, bawal na ba sa panahong ito ang ganon?" sumbat ng dalaga kaya imbes na magseryosohan sila parang nagkakaroon pa yata ng tensyon sa pagitan ng dalawa.

Biglang tumayo ang binata, "Bwisit ka!" sabi niya.

"Lalo ka na," sagot ng dalaga at tuluyan nang umalis si Jeth.

Gusto niyang pigilan sa pag-alis ang binata at humingi ng patawad dito pero hindi sapat ang kanyang lakas ng loob para gawin ito. Pangalawa, masyado naman yatang mababaw ang pinagmulan ng away nila kaya mas mabuti pang manahimik nalang siya at antaying humupa ang gulo.

Kinagabihan, nasa labas pa rin si Shan. Bumalik siya ng upo sa tapat ng veranda dahil tuluyan nang lumubog ang araw.

"Ulan, bumuhos ka. Nalulungkot ako. Kahit bagyo, okey lang. Di mo naman ako mababasa," sabi ng dalaga.

Napaigtad ang dalaga dahil sa gulat nang may biglang magsalita sa likuran niya.

"Makasarili ka,"

Nalaman niya na si Jeth lang pala ito. Lumapit ang binata sa dalaga at muling naupo sa tabi nito. Napansin ng dalaga na hindi na wala na kay Jeth ang bulaklak.

"Bakit ka bumalik? Ang drama mo kanina. May nalalaman ka pang walk out. Alam mo bang girl na girl ang dating mo non?" sabi ng dalaga at bahagyang tumawa.

"Hindi lahat ng nagwawalk out, masama ang loob," sumbat ng binata.

"So, anong purpose nung walk out m
o kanina?"

"Wala. Bawal na bang magbanyo?"

"Sana di ka nalang bumalik. Masaya na ako dito kapiling ang mga halaman," sabi ng dalaga at nag-acting na parang naluluha.

"Bumalik ako kasi namiss kita," biglang sabi ng binata kaya nanigas ang dalaga.

Hindi makakilos si Shan dahil sa sinabi ng binata. Tila musika sa tenga niya ang sinabi nito. Todo kilig naman siya at kung pwede lang sana tumili sa harap ng kausap niya, kanina pa siguro niya ginawa.

Pero sa huli, tinuring nalang niyang biro ang sinabi nito. Alam niya ang ugali ng binata na may pagkakataon na hindi niya madistinguish kung nagsasabi ba ito ng totoo o hindi.

"OA na 'yan ha," sabi ng dalaga.

"Totoo. Tsaka, alam mo ba kung bakit umuwi ako ng maaga kanina? Kasi nag-alala ako sa 'yo nung nalaman kong hindi ka sumama sa akin sa school,"

Hindi siya nakaimik. Lalo lang niyang ikinagulat ang pasabog na rebelasyon ni Jeth.

Napahinga ng malalim ang binata, "Alam mo kung bakit? Kasi napahiya ako kanina nung nakakuha ako ng mababa na score sa simpleng exam lang. Namiss talaga kita kasi wala ng nagdidikta ng mga answers. Feeling ko, malaking kawalan ka sa skwela ko," sabi ng binata pero sa loob niya'y hindi naman talaga ganon ang ibig niyang sabihin.

Labis na nalungkot ang dalaga sa sinabi ng binata. Naisip niyang tama nga siguro ang kanyang instinct, malamang nagbibiro lang ang kanyang kausap. Aminado siyang medyo nasaktan siya sa sinabi ng binata kasi parang ganon lang ang habol nito sa kanya. Tinago niya ang nararamdaman niyang ito. Nagkunwari siyang hindi apektado sa mga sinabi ng binata.

"Aba. Kasalanan ko pa talaga? Para saan ang mata mo kung di ka naman marunong mangopya?"

"Kahit kailan wala ka talagang nasabing magandang advice. Akala ko pa naman tuturuan mo ako kung pano magreview ng tama," sabi ng binata at nag- acting siya na parang nalulungkot.

Tinakpan ng binata ang mga mata niya. Sumilip siya sa pagitan ng mga daliri niya. Napansin ito ni Shan kaya agad siyang nabuking.

"Hala, huli ka! Best actor ka rin pala no,"

Niyakap ni Jeth ang mga tuhod niya dahil sa ginaw, "Hindi. Seryoso ako. Saka lang ulit ako nakatikim ng highest score nung last time na sumama ka sa 'kin sa school,"

Napansin naman agad ni Shan na parang giniginaw ang binata. "Halika pasok na tayo. Turuan nalang kita ng mga basic sa pagchecheat during examinations," sabi ng dalaga para lang may masabi siyang dahilan para pumasok sila.

Pumasok na sila sa loob. Naiwan si Shan sa kwarto dahil kailangan pang maghapunan ni Jeth sa baba. Nandon pa rin sa kama ang laptop ng binata. Nangangati talaga ang mga kamay niya at sa isip niya, kung buhay pa sana siya ay kanina pa niya ito binuksan.

Pero isang bagay ang umagaw sa atensyon niya. Nakita niya sa study table ang tulip na pinitas ng binata kanina at nakalagay ito sa basong may lamang tubig. Napangiti siya ng todo sa nakita niya.

Napabuntong-hininga ulit siya. Tiningnan niya ang buong kwarto. Masaya siya dahil hindi lang sa maayos at malinis ito kundi dahil wala pa rin nagbago dito simula nung naging multo siya maliban nalang sa pagkakaposisyon ng kama at study table.

Pabalik-balik siyang naglakad sa buong kwarto dahil nandon pa rin sa isip niya ang mga sinabi ng binata sa kanya. Umaalingawngaw sa tenga niya ang boses nito. Kumbaga, mistulang nalast song syndrome siya sa mga sinabi ni Jeth.

Ngunit naiinis siya sa tuwing naiisip niya yung mga sumunod na sinabi Jeth kanina. Pero para sa kanya, hindi na yun mahalaga. Ayaw niyang mawala ang kaligayahang nararamdaman niya ngayon kaya di na niya ito inisip pa. Alam niyang masama ang umasa pero di niya ito alintana dahil sa isip niya naniniwala siyang may chance pa rin na magkatotoo ang mga sinabi ng binata kanina.

Nagulat nalang siya nang biglang magbukas ang pintuan. Nakatayo dito ang binata. May pagtataka sa mukha niya nang makitang pabalik-balik na naglalakad ang dalaga. Napatigil naman agad ang dalaga sa ginagawa niya.

Bahagyang natawa ang binata, "Anong nangyari sa 'yo?" tanong niya.

Hindi niya sinagot ang binata at naupo nalang sa sahig habang yakap yakap ang mga tuhod niya. Lalong nagtaka ang binata nang mapansing nakatingin ito sa kawalan.

Tiningnan siya ng binata, "Ang weird mo ha," sabi niya.

Hindi niya ulit sinagot ang binata at parang wala itong narinig. Ganon pa rin ang posisyon niya kaya lalo lang nalito si Jeth.

Humikab ang binata, "Matutulog na ako," sabi niya sabay talon sa kama at mabilis na pinikit ang mga mata.

Nakatitig lang si Shan sa maamong mukha ng binata na payapang natutulog. Hindi nagtagal ay nilapitan niya ito at sa hindi niya alam na dahil ay bigla niya itong hinalikan sa labi.

Umatras siya sandali at napahawak sa labi niya. Kahit di niya ramdam ang labi ni Jeth, ramdam na ramdam naman niya ang bugso ng kanyang damdamin nang magtapat ang kanilang mga labi. Di niya mapigilang kiligin sa ginawa niya. Hindi niya ito natiis at napatili siya.

Muli siyang lumapit sa binata at marahang hinaplos ang noo nito.

"Sleep well, Jeth. Dadalawin kita mamaya sa panaginip mo," sabi niya.

Mabilis niyang tinanggal ang kamay niya nang mapansing gumalaw si Jeth. Laking gulat niya nang makitang bumuka ang mga mata ng binata at tumingin ng diretso sa kanya na may ngiti pa sa labi.

"Narinig ko yun!"

       --- END OF CHAPTER 9 ---
« Last Edit: 01-22-13 09:02 AM by mindfreak »

12-07-12 06:20 AM
queenie
Hero Member
  • Posts: 12845
  • Thanked: 172
  • Reputation: 1
Ganda ng umaga ko dahil sa update ;D

12-07-12 06:35 AM
_kevin_
Full Member
  • Posts: 313
  • Thanked: 27
  • Reputation: 1
epek lang ang chapter 9,akala ko pa naman yung isang lalaki ang nakarinig,hehe

12-07-12 04:25 PM
1behindbars
Sr. Member
  • Posts: 8065
  • Thanked: 873
  • Reputation: 12
kala ko nadinig ni shan usapan ni jeth at tori.. gumaganda ang storya..
FREE LOAD

[You are not allowed to view links. Register or Login]
[You are not allowed to view links. Register or Login]

12-07-12 05:13 PM
gerzz
Full Member
  • Posts: 875
  • Thanked: 54
  • Reputation: 0
Sana may isa pang update mamaya.. :rock:

12-07-12 05:56 PM
_kevin_
Full Member
  • Posts: 313
  • Thanked: 27
  • Reputation: 1
hehe, sana madami pang updatE.

12-08-12 08:01 AM
Hazards_of_DJFANHS
Full Member
  • Posts: 2545
  • Thanked: 137
  • Reputation: 1
next chapter naman po,naaalala ko crush ko pagbinabasa ko to eh.

12-08-12 09:15 AM
mindfreak
Full Member
  • Posts: 3615
  • Thanked: 1610
  • Reputation: 16

Chapter 10: Close To Reality


Kinabukasan, madaling araw nang naalimpungatan si Jeth. Wala pang alas sais ay nagising na siya. Naninibago siya dahil wala si Shan sa kwarto sa mga oras na 'to. Nakasanayan kasi niya dati na sa tuwing gumigising siya ay ang dalaga ang una niyang nasisilayan.

Humikab siya at nagstretch ng katawan. Inaantok pa rin siya pero alam niyang di na niya ulit makukuha ang tulog niya kapag pumikit uli siya kaya naisipan niyang bumangon nalang at magligpit ng higaan.

Pagbaba ng binata, dumiretso siya sa may kusina. Laking gulat niya nang makita si Shan na ngayo'y hindi na multo. Buhay na buhay talaga ang dalaga. Sa katunayan, nagluluto pa nga ito ng ulam sa kusina.

"Bakit?" tanong ng dalaga sabay bigay ng matamis na ngiti.

Hindi nakagalaw ang binata. Natulala siya nang makita ang dalaga. Pero may ibang pakiramdam na di maipaliwanag sa loob niya. Marahil ay labis lang siyang naantig sa aking ganda ng dalaga.

Nakasuot si Shan ng pambahay na damit na di kagaya ng suot niya noong siya pa ay multo. Kahit papano,lumilitaw pa rin naman ang ganda niya.

Kumurap ang binata at sinampal ng mahina ang magkabila niyang pisngi, "I-ikaw ba 'yan Shan? Pero anong nangyari? Ba't buhay ka?" hindi makapaniwalang tanong ni Jeth.

Nilapat ni Shan sa mesa ang chopping knife at nagpunas ng mga kamay pagkatapos ay lumapit sa binata.

Hindi nakakilos ang binata at tila naparalisa siya nang humarap ang dalaga sa kanya.

Hinawakan ni Shan ang mga kamay ni Jeth at hinila palabas ng apartment. Nabigla naman ang binata sa ginawa ng dalaga.

"Halika, don tayo sa may veranda. Ipapaliwanag ko sa 'yo ang lahat,"

Walang nagawa ang binata kundi sumunod sa dalaga. Hinila siya ni Shan hanggang sa may veranda. Napansin ng dalaga na ayaw bitawan ni Jeth ang mga kamay niya.

Nagpalipat-lipat ng tingin si Shan sa mga kamay niya at sa mukha ni Jeth. Habang tumatagal parang tumataas ang pressure sa dibdib ng dalaga at anumang oras ay maaari siyang sumabog sa sobrang kilig kaya sinenyasan niya ito na bumitaw na pero parang walang naintindihan ang binata.

Sa loob ng dalaga ay kinikilig na talaga siya. Ang hindi niya alam ay gustong-gusto din pala ito ng binata.
Masaya si Shan kahit na alam niyang hindi totoo ang lahat ng 'to. Pero hindi na rin masama kasi alam niyang si Jeth pa rin ang kaharap niya. Ang nakakapanghinayang lang ay wala sila ngayon sa totoong mundo at panaginip lang ang lahat ng 'to.

Pinisil pisil ng binata ang mga kamay ng dalaga, "Gusto ko pang hawakan. Sobrang lambot kasi ng mga kamay mo,"

Lalong kinilig ang dalaga dahil sa sinabi ng binata. Hindi niya pinahalata sa kaharap na kanina pa niya gustong tumili.

"Jeth, bitiwan mo na," pamimilit ng dalaga.

"Bakit?"

"Ayoko lang ng ganito. Kasi, kasi di ako makapag-explain ng maayos kapag, kapag.."

"Kapag?"

"Kapag hawak mo mga kamay ko," sabi ng dalaga sabay tungo ng ulo.

Naintindihan naman ito ni Jeth at sa mga sandaling ito, parang naghinala siya sa mga kilos ni Shan ngayon. Gaya ng kagustuhan ng dalaga, binitawan nga ng binata ang mga kamay nito.

Mistula namang bomba na nagdifuse ang pakiramdam ni Shan. Halos sumabog na kasi siya sa sobrang kilig kanina. Mabuti nalang at binitawan na ito ng binata dahil tiyak na mabubuking ang dalaga kapag nanatili pa ring magkahawak ang mga kamay nila. Big deal ito kay Shan dahil alam niyang may chance na maalala ni Jeth ang lahat ng nangyari ngayon kapag siya ay nagising.

Naupo silang dalawa sa railings. Inalalayan ni Jeth ang dalaga kahit na pwede namang hindi na. Nagulat naman si Shan sa ginawa ng binata. Naisip niyang marahil ay dulot lang ito ng mga nangyari kanina kaya ganito kung umasta ang binata sa sarili niyang panaginip.

Namula ang magkabilang pisngi ng dalaga nang muling mahawakan ang kamay ng binata.

"Okey ka lang?" tanong ng binata nang mapansing namumula ang dalaga.

"Oo, bakit ba kasi ang bait mo sa panaginip," pabulong na sinabi ni Shan.

"Ha, may sinasabi ka?" tanong ng binata.

"Ah wala, wala. Natanong mo kanina kung totoo ba ang lahat ng ito di ba?"

"Yup. Pero okey ka lang ba? Namumula ka yata?" Huminga ng malalim ang dalaga. Hindi niya sinagot ang tanong ni Jeth sa halip ay nagsimula nalang siyang magpaliwanag.

"Jeth, wala ka sa totoong mundo. Panaginip lang ang lahat ng 'to, honestly. It's up to you kung either maniniwala ka o hindi."

"Panaginip lang ito!? Sigurado ka!?"

"Yes, tama ang narinig mo. Nasa loob ka ng panaginip mo ngayon. Ang lugar at pangyayaring ito ay likha lamang ng subconscious mind mo. Ang tanging totoo lang dito ay ikaw at ako at ngayon, nakikipag-usap ka sa akin mismo,"

Tiningnan ng maigi ng binata ang mga palad niya pagkatapos ay dahan-dahang hinaplos ang kanyang mga pisngi. Hindi talaga siya makapaniwala sa mga sandaling ito kasi parang totoong ang lahat.

Napansin ng dalaga na parang hindi pa kumbinsido ang binata sa mga sinabi niya. "May kakayahan kaming pumasok sa panaginip ng mga buhay. Nabanggit ko naman siguro sa 'yo noon ang tungkol dito di ba?"

"Talaga lang ha," tanging nasabi ng binata habang nakatitig pa rin ito sa mga palad niya.

"Pero Jeth, may gusto lang akong ipaalala sa 'yo. Huwag na 'wag kang gigising nang wala ako sa tabi mo. Kapag nangyari yun, tuluyan na akong makukulong sa panaginip na 'to at kailan man hindi mo na ako mababalikan. Paiba-iba kasi ang panaginip ng tao. Take for example, itong panaginip mo ngayon. Kapag nagising ka, tapos natulog ka ulit imposibleng mapanaginipan mo ulit ito. May mga pagkakataon na ang lugar at pangyayari ay magkatulad pero ang flow ng panaginip ay hinding hindi talaga magiging katulad ng nauna mong panaginip. Gets mo ba? Going back don kanina. Nangyari na nga pala ito sa maraming multo. Kaya nga very risky ang pumasok sa panaginip niyo,"

"Bakit ka pa pumasok kung alam mong very risky pala?"

Tinungo ng dalaga ang kanyang ulo. Hindi niya alam kung anong isasagot niya.

"Wala. Curious lang ako. Gusto ko lang makita kung anong itsura ng panaginip mo."

"Ganon?" sabi ng binata.

"Kontrolado ko ba ang panaginip ko? I mean, kung anong gusto ko mapanaginipan, masusunod ko ba?" dagdag niya.

"Hindi mo kontrolado ang mga pangyayari at lugar sa panaginip mo. Nangyayari ito randomly. Ang tanging nakokontrol mo lang ay itong mga galaw at pananalita mo. Walang pinagkaiba sa totoong mundo ang takbo ng isip at ugali mo. Kumbaga, parang nasa ibang dimensyon ka lang. Kung meron man, siguro slight lang."

"So, sa anong paraan ako magigising,"

"Depende na 'yan sa tao. May iba na nagigising dahil sa gulat at pagkabigla. May iba na dahil naman sa labis na takot. Merong nagigising kapag kiniliti mo. Katulad mo, meron ding nagigising kapag sinuntok mo sa mukha. Tsaka, meron ding nagigising dahil sa..."

"Dahil sa?"

"Sobrang kilig," pabulong na sinabi ni Shan. "Pero yung iba nama'y nagigising dahil routine na talaga nila."

"Teka, bakit mo nga pala alam ang tungkol diyan?" sabi ng binata sabay himas sa baba niya.

"Madalas akong dumalaw sa panaginip ng mga taong malakas ang loob na magrent ng kwarto ko."

"At isa sa kanila'y nagising dahil sa sobrang kilig??"

"Ganon na nga,"

"E ano bang nangyari sa panaginip niya at kinilig siya ng sobra?"

"Gusto mo bang ikwento ko sa 'yo? Tingin ko, di ka naman maniniwala e."

"Sige lang, ikwento mo lang,"

"Nagpanggap akong lalaki sa panaginip niya. On the first place, plano ko talaga siyang takutin pero hindi ganon ang nangyari. Nung lumapit ako sa kanya, nagulat ako nung tumili siya at ayon nagising nga,"

"Ibig sabihin, babae yung nagrent that time."

"Ganon na nga. May lalaki bang kinikilig sa kapwa niya lalaki?" pasarcastic na sinabi ng dalaga. Tumawa naman ang binata,

"Ano naman kayang itsura mo kapag naging lalaki ka?" tanong ng binata at muling tumawa.

"Gusto mong makita?"

"Ay naku, huwag na. Ayokong maturn off sa 'yo," sabi ng binata.

Natauhan ang binata sa sinabi niya. Ilang sigundo ring siyang hindi nakakilos nang marealize na nadulas ang dila niya.

Nagkunwari agad ang dalaga na hindi narinig ng maayos ang sinabi ng binata. "Teka, anong sinabi mo?" sabi niya sabay taas ng kilay.

Hindi ito sinagot ng binata sa halip ay iniba niya ang usapan. "Ah wala. Tara, lakad tayo," sabi niya sabay baba ng railings.

Nalilito ngayon si Shan kung papayag ba siya sa alok ni Jeth. Hindi pa rin kasi siya makaget over sa sinabi ng binata kanina. Parang nabuhayan siya ng loob dahil don. Sa isip niya, may chance nga na magkagusto din sa kanya ang binata.

"Okey ka lang? Kanina ka pa tulala?" tanong ng binata.

Natauhan ang dalaga. Hiyang hiya siya sa sarili niya nang marealize niyang kanina pa siya nakatunganga sa harap ni Jeth.

"Ah sige, sige," sabi ni Shan na may galak pa sa boses.

Katulad nung kanina, inalalalayan ulit ni Jeth si Shan sa pagbaba ng railings. Hindi pa rin mawari ng dalaga kung bakit mabait sa kanya ang binata ngayon. Ang alam kasi niya ay kung ano ang ugali ng tao sa totoong buhay ay ganon din ang ugali nito sa panaginip. Pero itong pinapakita ni Jeth ay taliwas sa inaakala niya. Subalit may chance naman na baka ito nga ang totoong ugali ng binata at sa panaginip lang niya ito kayang ipakita.

Namula ang mga pisngi ng dalaga, "Sana di ka na magising," bulong niya.

"May sinasabi ka?"

"Ah wala, wala. Teka lang Jeth, huwag mo na akong alalayan. No need na, kaya ko na 'to," tanggi ng dalaga.

"Hindi, baka malaglag ka." Nagulat ang binata nang batukan siya ng dalaga,

"Sira. Di naman ako masasaktan kung malaglag man ako." Hinimas ng binata ang ulo niya kahit wala namang masakit,

"Kahihiyan sa part ko kapag nalaglag ka. Baka isipin mo na hindi ako nagpapakagentleman sa 'yo,"

Lalong kinilig ang dalaga sa sinabi ng binata. Nagtataka talaga siya sa ugali ng binata ngayon. Hindi niya alam kung totohanan na ba ito o trip lang ito ni Jeth.

Nang makababa ang dalaga, tiningnan siya ng binata mula ulo hanggang paa. Napataas nalang ang kilay ng dalaga.

"Anong tinitingin tingin mo diyan?" pataray na sinabi ni Shan.

Nagulat siya nang ngumiti ang binata sa kanya. "Ah, wala. Ngayon ko lang narealize na maganda ka pala," muling tiningnan ni Jeth ang dalaga mula ulo hanggang paa. "At sexy pa," dagdag niya.

Kumunot ang noo ni Shan at sa isang iglap lang ay biglang naglanding ang palad niya sa pisngi ng binata. Halos umikot ng 360 degrees ang ulo ni Jeth dahil sa tindi ng pagkakasampal sa kanya ng dalaga.

Walang naramdamang sakit ang binata. Tiningnan niya ulit ang dalaga at sa hindi niya alam na dahilan, nasampal ulit siya. This time, sa kabilang pisngi naman.

Nakakunot ang noo ni Jeth nang muli siyang tumingin sa dalaga. Hawak hawak pa niya ang pisngi niyang namumula pa sa ngayon habang nakangising aso naman si Shan.

"Para saan yung pangalawa?"

"Wala, freebie yun." sagot ng dalaga sabay tawa.

Iba ang nararamdaman ni Shan ngayon dahil imbes na maturn off siya dahil sa sinabi ng binata mas lalo pa niya itong nagugustuhan.

Lumabas sila ng apartment at naglakad-lakad. Tanging silang dalawa lang ang naririto ngayon.

"Syet. Si Tori yun di ba? Bakit nandito siya?" tanong ni Jeth sabay turo sa babaeng papalapit sa kanila.

Sumimangot ang dalaga, "Jeth, ilusyon lang 'yan. Kaya siguro siya nandito kasi malamang panay ang isip mo sa kanya kanina. Kadalasan sa mga napapanaginipan ng tao ay yung mga bagay na parati niyang iniisip."

"Hindi ah,"

"Aminin mo na. May gusto ka sa kanya no?"

"Wala ah,"

"Jeth, wag ka ngang umasta na parang bata. Huwag mong ikahiya ang nararamdaman mo kay Tori. Natural lang na magkagusto ka sa kanya kasi bukod sa maganda na nga siya sobrang bait pa niya."

"Wait, ayan na siya o. Anong gagawin ko?"

"Gusto mong mawala yang kaba mo ngayon?"

"Oo,"

"Sige, watch me," sabi ng dalaga.

Nagulat ang binata nang pumulot ang dalaga ng bato sa lupa at binato ito kay Tori. Tamang tamang pagkasapul ng ulo ni Tori ay bigla itong nawala na parang bula sa malayo.

"Bakit mo yun ginawa?" tanong ni Jeth.

"You know what, sa tanong mo na 'yan, bistado ka na Jeth!"

"Oo na, may gusto na!" sigaw ni Jeth.
"Pero bakit hindi mo siya nililigawan. Di ba tinanong ka pa nga niya last time?"

Agad napatakip ng bibig ang dalaga pagkat siya na naman ngayon ang nadulas.

Nakatitig ang binata sa dalaga at lalo pang naningkit ang mga mata niya matapos marinig ang sinabi ng dalaga, "Teka, bakit alam mo ang tungkol diyan?"

Niyuko ni Shan ang kanyang ulo kasi nahihiya siya kay Jeth sa mga oras na 'to. "Sorry, kung sinundan kita sa park that time."

"Okey. Pero sa susunod huwag mo na ulit gawin yun ha?"

Nagulat si Shan dahil akala niya ay magagalit si Jeth sa kanya matapos niyang isiwalat ang katotohan sa may park noon. Kanina pa talaga niya gustong yakapin ang binata dahil sa tuwa.

Malayo-layo na rin ang nalakad nila. Hanggang sa hindi nila namalayan na nasa may dalampasigan na pala sila. Bumungad sa harap nila ang napakagandang pagsikat ng araw. Pareho silang napangiti sa hindi nila alam na dahilan.

"Shan, posible ko bang gawin dito ang mga bagay na di ko nagagawa sa totoong buhay?"

"Yup, gusto mong lumipad tayo?" alok ng dalaga.

"Huwag na," Tinaasan niya ng kilay ang binata,

"Bakit, ayaw mo?"

"Parang di na makatotohanan kapag ganon," sabi ng binata.

"Gusto ko kasi maging close to reality ang panaginip na 'to,"

       --- END OF CHAPTER 10 ---
« Last Edit: 01-22-13 09:03 AM by mindfreak »

12-08-12 12:14 PM
Jakerockz13
Full Member
  • Posts: 2940
  • Thanked: 442
  • Reputation: 0
woah parang lucid dream lang ah. Astig lucid dreamer ako. :D

12-08-12 01:45 PM
Hazards_of_DJFANHS
Full Member
  • Posts: 2545
  • Thanked: 137
  • Reputation: 1
Chapter 11: Ang pagkabuhay
,
.
.
.


.
.

.
?
.
Joke lang,next chapter na po.

12-08-12 02:52 PM
Curi0us_gurl
Full Member
  • Posts: 444
  • Thanked: 28
  • Reputation: 5
haha.. :D
kala ko totoong chapter 11 na..

Waiting for the next chapter..thanks t.s

12-08-12 03:42 PM
crybabay
Full Member
  • Posts: 805
  • Thanked: 44
  • Reputation: 0
order po...chapter 11.
ordonez

12-08-12 03:47 PM
Hazards_of_DJFANHS
Full Member
  • Posts: 2545
  • Thanked: 137
  • Reputation: 1
got ya curious girl!

12-08-12 05:55 PM
Curi0us_gurl
Full Member
  • Posts: 444
  • Thanked: 28
  • Reputation: 5
nice hazard eto sayo
:kawali:
« Last Edit: 12-08-12 05:56 PM by Curi0us_gurl »

12-08-12 06:09 PM
Hazards_of_DJFANHS
Full Member
  • Posts: 2545
  • Thanked: 137
  • Reputation: 1
tagal naman ng update,nakakainip na.

12-08-12 07:43 PM
Deviant-Arch
Full Member
  • Posts: 1969
  • Thanked: 193
  • Reputation: 1


12-08-12 08:00 PM
Hazards_of_DJFANHS
Full Member
  • Posts: 2545
  • Thanked: 137
  • Reputation: 1
sige na po,kanina pa ko naghihintay.